Tips in Cleaning Your Chain according to Sir Jet.

Mas malinis kapag tinatangal yung chain. Ang problema lang ay matrabaho. Ang daming kakalasin at maraming gagawin. E kung weekly ka mag lilinis, tatamarin ka. Pero siguradong malinis ang chain mo. Ito ang gagawin:

I-center stand and motor. Luwagan ang bolt at nut ng gulong sa likod. Luwagan ang nut ng adjustment ng chain at itulak papasok ng motor ang gulong sa likod para lumuwag ang chain. Tangalin ang lock ng chain gamit ang long nose plier. Tangalin ang sprocket cover ng makina (plastic cover lang yan). Hilain palabas ang chain. Gamitin ang paint brush at toothbrush, linisin ang mga sprocket at ang paligid nito gamit ang plastic sprayer na may kerosene. Ganun din ang loob ng sprocket cover. Hugasan ang mga nilinisan ng tubig at sabon (detergent soap). Ilagay ang chain sa isang aluminum na palangana. Buhusan ng kerosene (dalawang baso ang dami) at linisin ng toothbrush ang kasingit-singitan ng chain. Kapag na linis na, palitan ng malinis na kerosene ang palangana. Linisin ulit ang chain (wag kalimutan pati ang chain lock). Dapat makita mo na ang kintab ng chain. Itabi ang kerosene sa isang lata. Lagyan ng langis (chain oil/chain lube) ang chain. Medyo bigyan ng oras (10 minutes) na pumasok ang langis sa kasulok-sulukan ng chain. Lagyan ng grasa ang mga rollers ng chain gamit ang toothbrush sa magkabilaang bahagi. Siguraduhing lahat ay nadaanan ng grasa. Wag mo masyadong lagyan ng langis at grasa, tama lang na madampian dahil kakalat lang kapag tumakbo ang motor. Punasan ang chain ng trapo upang matangal ang mga sobrang langis at grasa. kailangan makintab ang itsura ng chain at hindi parang kinapitan ng maraming grasa. Ibalik ang chain sa mga sprocket. Kapag mahirapan kang ibalik, gumamit ng alambre na merong 2 feet ang haba at itali sa isang dulo ng chain. Unahin isuksok ang alambre hangang mapwesto ang chain sa mga sprocket. Tangalin ang alambre at ikabit ang lock ng chain. Hilain pabalik ang gulong hangang humigpit ang chain. Siguraduhing pantay ang alignment ng gulong at tama ang lundo ng chain bago higpitan ang bolt at nut ng gulong. Ang tamang adjustment ng alignment ng gulong ay makikita sa may swing arm. Dapat pantay ang pwesto sa guhit magkabilaan (refer to owner’s manual kung paano). Ang instruction sa lundo ng chain ay makikita mo sa sticker na nakadikit sa chain guard. Kapag nakabit na, paikutin ang gulong sa likod para malaman na tama ang pagkakabit. Kailangan tuloy-tuloy lang ang ikot ng gulong at walang sumasayad. Kapag OK na, ikabit ang sprocket cover at higpitan lahat ng turnilyo. I-check na rin ang preno sa likod. Paandarin ang motor at patakbuhin ng dahan-dahan at pakiramdaman. Kapag walang nakitang mali, OK na yan. Medyo linisan mo lang lagi ang rim mo kapag tinakbo na ng malayo kasi marami pang tatalsik na grasa at langis nyan. Mawawala rin yan katagaltagalan.


Mas madali kung hindi na tatangalin ang chain. Simpleng linis lang pero hindi talagang milinis ng husto ang chain. Maganda kung at least every 3 months ay yung tinatangal ang chain ang paglilinis. Ito ang gawin mo paglinis na di tinatangal ang chain:(ito ginagawa ko every week)

I-center stand ang motor. Gamitin ang paint brush at toothbrush, linisin ang chain, sprocket at ang paligid nito gamit ang plastic sprayer na may kerosene. Tuloy-tuloy lang ang pag spray hangang ma-drain ng husto ang mga maruming grasa. Kapag malinis na ang tumutulong kerosene sa pag-spray sa kasingit-singitan ng chain, hugasan ito ng tubig at sabon (detergent soap). Punasan at patuyuin ng husto. Mag lagay ng langis sa isang takip ng lata at lagyan ng langis (chain oil/chain lube) ang chain. Medyo bigyan ng oras (10 minutes) na pumasok ang langis sa kasulok-sulukan ng chain. Lagyan ng grasa ang mga rollers ng chain gamit ang toothbrush sa magkabilaang bahagi. Siguraduhing lahat ay nadaanan ng grasa. Wag mo masyadong lagyan ng langis at grasa, tama lang na madampian dahil kakalat lang kapag tumakbo ang motor. Punasan ang chain ng trapo upang matangal ang mga sobrang langis at grasa. kailangan makintab ang itsura ng chain at hindi parang kinapitan ng maraming grasa. Paikutin ang gulong sa likod at kailangan tuloy-tuloy lang ang ikot ng gulong. I-check na rin ang preno sa likod. Paandarin ang motor at patakbuhin ng dahan-dahan at pakiramdaman. Kapag walang nakitang mali, OK na yan. Medyo linisan mo lang lagi ang rim mo kapag tinakbo na ng malayo kasi marami pang tatalsik na grasa at langis nyan. Mawawala rin yan katagaltagalan.